April 17, 2014     Philippines
Support alternative journalism. Donate to Bulatlat.com.

September 5, 2010
Sa Tula Ko Tatapusin ang Dalamhati

(Oda para kay Alexander Martin Remollino:
Agosto 6, 1977-Setyembre 3, 2010)

Dumalaw sa akin ang dalamhati
habang pumuputok ang araw sa Silangan.
Kumatok sa pinto ang palatandaan:
namumulubi ang mga salita;
patunay sa malaking giwang ng patda
at sa pagbatak ng halubigat sa aking buntong-hininga at dila.

Nang lumaon, dahan-dahang nagkahugis ang hapis.
Binuksan at pinatuloy ko siya sa tarangkahan ng nakaraan
katulad ng kung paano sinisilip ng malamig na hangin
ang bawat pahina ng iyong maiksing buhay
ngunit makapal na talaarawan.

Paano tatapusin
ang pagbaybay sa lansangan ng pighati
kung ang iyong tinatanaw, sinasalat,
at kinakausap nang tahimik sa pinakasulok ng iyong silid-isip
ay ang anino ng iyong
kasama-kaibigan-kamanunulat-kasining-kadebate-kabungguangbaso –
ang anino na nabuwal sa katanghaliang tapat ng kanyang buhay?

Mungkahi kong sagot, Alex:

Sa isang tula tapusin natin ang dalamhati!
Tapusin ang dalamhati natin sa isang tula!

At pagkatapos, bakatin natin
ang iniwanan mong mga yabag at yapak sa mga pilapil at eskinita,
sa mga lansangan at larangan ng pakikibaka na pinahigpit ng iyong
dating bangtaba at ngayo’y butuhing braso at balat
na naki-angkla

sa magkakapit-kamay-magkakakapit-bisig-at-bigkis-bigkis-
na-pagkakaisa-paninindigan-at-bahagharing-mithi-at-lunggati
ng mga manggagawa-magsasaka-OFW-maralitang taga-lungsod-
katutubo-propesyunal-makabayang-mangangalakal-guro-mag-aaral-

at higit sa lahat, ng mga tagahatol:
silang lumilikha ng ipuipo sa pusod ng bundat na piging.

Tinatapos ko, Alex, ang dalamhati.

At alam ko, sa pagtawid mo sa kabilang pampang,
kakaway ka sa amin:
nakangiti habang lalong lumiliit
ang iyong mga singkit na mata;
habang ang iyong kaway, dahan-dahan,
ang iyong kaliwang mga daliri at palad
ay mahigpit mong isasalakop,
isasara at waring mahigpit na ikikipkip ang pabaon.
At sa huling sandali –
bago ka humakbang patawid sa panginorin
at tulad ng budhi ng isang sanggol –
uundayan mo ng bigwas at suntok ang pusod ng imperyalismo
na nasa bumbunan natin, nakalambong sa hangin.
Dahil tulad ng talas ng iyong tinanganang panulat,
alam mong ito ang ubod at buod
ng walang kabusugang bundat na dapat mawakwak.
At doon dapat iasinta at itarak
ang gatilyo ng pagmulat at pagwasak.
Doon dapat.
Kahit pumuti ang uwak at umitim ang tagak.

Doon dapat!

Richard R. Gappi
4-5 Setyembre 2010; 11:36 ng umaga
Angono, Rizal, Pilipinas

ARTICLE TOOLS
Printer-Friendly Version Printer-Friendly Version

TAGS
CATEGORIES
* Latest PostsnamePoetry
REPRINT
Feel free to reprint, repost or republish this material. (Read Bulatlat's syndication policy.)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>

BROWSE BY SECTION OR SUBJECT ››

Politics
Economy
Human Rights
OFWs & Migration
Agrarian Reform
Labor & Employment
Urban Poor
Environment
Education
Youth
Indigenous Peoples

Women & Children
Health
Media
Culture
Poetry
Analysis & Opinion
Regions
International
Democratic Space
Press Releases
Downloads

ON THE FRINGES (BULATLAT STAFF BLOG) ››