Politika ng Pag-asa

Ni ROLANDO TOLENTINO
Kulturang Popular Kultura
Bulatlat.com

Ang tawag ng kaibigang Vlad dito ay “life’s little surprises” nang minsan makatanggap ng Penshoppe wallet mula sa kanyang magulang sa gabi ng kanyang graduation sa masteral. Hindi inaasahan, pero dumarating. At di tulad ng masamang balita, ang sorpresa ay tinatanggap nang walang pag-iimbot.

Parang napakaswerteng nilalang ni Vlad. Na kahit sa thought-balloon ko, ang wallet ay simbolo ng payback time ng isang graduate sa kanyang magulang, o ang inaasahang kontribusyon sa pagmimintina ng gastusin sa bahay, paniningil na ang wallet na aguinaldo ay siya ring wallet na paghuhugutan ng bagong obligasyon, ay wala marahil epekto kay Vlad.

At ito ang mga sorpresa ng buhay: naka-uno sa klase, naging college o university scholar ng isang semestre, nakahanap ng nakatiklop na P500 na akala’y matagal nang nawala, sinagot nang sinusuyo sa di inaasahang panahon, natunghayan ang pinakamalaki at pinapulang sunset sa harapan ng University Avenue, nakatatlong ikot sa oval nang hindi nalulumpo, o naranasan ang paghahabulan ng ambon at paglagas ng tuyong dahon ng mga punong acacia.

Marami sa mga sorpresa ng buhay ay hindi naman talaga sorpresa. Variation sa tema lamang ng identidad sa mabuting turing na buhay ang nagaganap na sorpresa: pabuya sa pagiging mabuting anak, mag-aaral, magulang, kapatid, tiyahin, at mamamayan. Ito ang mga sorpresang ikinatutuwa. Wala namang nagugulat sa balik-kabig ng mga bagay, tulad ng higit pang pang-aapi ng kontrabida sa bida sa telenovella, ang pagsaboy ng red wine ni Cherrie Gil kay Sharon Cuneta, o pagkuha ng bidang babae sa puso ng bidang lalake.

Inaasahan ang huli sa roleta ng kapalaran. Paano magiging bida ang bida kung walang nang-aaping kontrabida? Paano magiging matagumpay ang pag-angat kung walang humahaltak sa kasalukuyan? Wazak ang buhay kapag hindi ito nakabatay sa gulong ng buhay. Halimbawa, hindi mo nais patayin ang bumasted sa iyo, o ipakulam ito, o lalo pang suyuin hanggang sa Rodriguez dumpsite na lamang pupulutin ang sariling ego?

Kapag naman nanggaling ang biyaya sa estado poder, ito ay pinapadaan sa ritwal ng pag-aaginaldo, pagkakaareglo, pagkakasundo, o sa madaling salita, “gifting.” Na parang biyaya mula sa langit ang akto ng pagbibigay ng may kapangyarihan sa wala, kahit sa liberal na demokrasya ay nararapat lang naman bilang tungkulin ng may katungkulan?

Utang-na-loob na kabahagi ng mitos ng feudalismo o pamamatronahe, na siya ring behikulo ng korapsyon at ang pagtagos nito sa pang-araw-araw. Ang obligasyon sa serbisyo publiko ay nagiging kalakaran sa sistema ng pag-aaginaldo. O kung hindi, iaasa sa mga foundation ng negosyo para gawin ang dapat ay sistemikong ginagawa. Kaya rin kalkulado ang politika ng pag-asa sa ganitong pagkakataon dahil pinapaasa sa politika ang mamamayan bilang kanilang katubusan.

Kahit pa ang politikang ito ay bastardisasyon ng legal at legalistikong gawi, tulad ng Constituent Assembly (Con Ass) bilang perpetwasyon ng elitistang kaayusan sa bansa—na ang may kapangyarihan ay nagnanais manatili sa kanilang poder lampas-lampasan sa dapat nilang ipaglagi. Sila na may kapangyarihan ay kinakasangkapan ang mismong kapangyarihan para di lamang ipagpatuloy ang paghahari ng kaayusan, kundi para ipagpatuloy ang kanilang paghahari (period).

Gifting din ang turing ng mga amo sa kanilang katulong, mapa-dayuhan ito o sa pambansang saklaw. Bibigyan ng di na uso pero maayos pa, di na ginagamit na gamit, pinaglumaan at pinagsawaan, yung mga bagay na hindi ikakasama ng loob ng namimigay. Inaakalang ang lahat ng sobrang gamit ng amo ay biyayang galing sa langit para sa mga katulong.

Pero sinasabing mapanlimi rin ang panlasa, kahit pa katulong pa ang turing dito. Pinagtatawanan ang mga lumang regalo, itinatapong patago sa basurahan, o inuuwi sa kanilang sariling mga bahay kapag bakasyon para ipamigay sa ibang mas mababa ang turing na posisyong panlipunan. Walang masama sa aksyon ng amo at ng katulong. At natitiyak nito ang turing sa aksyon bilang nakabatay sa Christian charity at middle-class decency.

At kung gayon, ang pag-aaginaldo ay nakabatay rin sa guilt. Alam ng amo na mali sa pangkalahatan ang kanyang ginagawa—ang arkilahin ang lakas-paggawa ng mababang uri, lalo pa ang galing sa Third World na babae sa napakamurang halaga para sa napakabigat na trabaho. Pero mababa ang turing sa babaeng katulong, pati na sa mismong trabaho. Hindi rin nauubusan ng pila sa nagnanais mag-apply na maging katulong.

Sa maraming okasyon, magpapasalamat ang katulong. Maari pa nga niyang pagbutihin ang kanyang trabaho, kundi man gumawa pa ng trabaho, lampas-lampasan sa inaasahan. Pero ang guilt ng katulong ay nakabatay sa kolektibong lagay ng kanyang pamilya at mahal sa buhay. Ginagawa niya ang dapat at matwid sa kanyang bahagi ng Christian charity at middle-class decency. Tumatanaw siya nang mas higit na utang na loob sa kanyang amo at patron.

Ang politikal na pag-asa ay nakabatay sa politikal na negosasyon sa sistematikong anxiedad. Sa headline ng Bulatlat ng nakaraang linggo, isinasaad ang patuloy na paghahanap ng politikal na katugunan sa mga malalaking problemang panlipunan: Massive Transport Strike Set on Monday; Groups Denounce Oil Firms’ ‘Greed’, Students Across the Philippines Walk Out of Classes to Protest Cha-Cha, Gay Love and Faith: In Search of a Non-Discriminating Church, Benguet Dads Support Anti-Nuke Resolution, Busol Folks Protest Displacement, at Local oil-bearing plant: An Alternative for Cooking, Lighting Fuel.

At dahil hindi naman simpleng papayag lamang ang naghaharing uri sa kagustuhan ng kanyang mga pinaghaharian, ang negosasyon ay nagsisiwalat ng politika ng pagtutol. Tinututulan ang mapang-abusong relasyong panlipunan at pangkapangyarihan. Mula sa bentaheng posisyong ito lamang makakamit ang anumang pagtataya ng mababang uri sa poder ng aktwal na politika at ekonomiyang kapangyarihan.

Hindi ito tulad ng fandom, na isa pang uri ng pamamatronahe. Kahit pa may makabuluhang nakikita ang fans sa kanilang idolo, nagagawa lamang ito sa pamamagitan ng idolisasyong nakabatay sa kapital—ang pagtangkilik ay nangangahulugan ng paggastos, mas malaki ang gastos, mas malaki ang pruweba ng pagtangkilik at idolatry. Mas maraming imahen ng idolo, mas nababawasan ang abstraksyon sa fandom. Nagiging taong mas kilala pa ng fans kaysa sa mismong idolo ang sarili nitong pagkatao.

At sa estado, nababawasan ang abstraksyon nito sa pamamagitan ng “gifting.” Ginagawang personalisado ang turing sa bag ng relief goods kahit pa hindi naman ito ang layon ng may kapangyarihan. Ang kanyang layon ay tangkilikin ang relasyong pangkapangyarihan, at ang kapangyarihan ng nasa taas laban sa nasa ibaba, at ang akto ng pagtanggap ng nasa ibaba na ituring ang nasa itaas bilang kanyang patron. Samakatuwid, ang sistema ng pamamamatronahe bilang daluyan ng politika at ekonomiyang kapangyarihan ang sinisiwalat ng politika ng pag-asa.

Aasa ang nasa ibaba na baka mayroon pang ibang darating, kahit wala. Aasa naman ang nasa itaas na nabili at nakuha na niya ang kumpiyansa, boto at pagkatao ng nasa ibaba. Kung gayon, nadaragdagan ang pakong ibinabaon ng may kapangyarihan sa kabaon ng wala. Kaya ang kontraryong rehistro rito ay nanggagaling sa hanay ng organisadong mamamayan: ang politikal na pagkilos bilang pagpapalit ng terms of negotiation ng pag-asa.

Una, umaasa ang mamamayan sa sarili nitong pagkadisadbentahe, at sa sarili nitong lakas na itransforma ang relasyon, mula sa pagkadisadbentahe tungo sa di katanggap-tanggap na relasyon sa pagkadisadbentahe. Ikalawa, ang politika ay ibinubuyanyang bilang walang natural na adbentahe sa kanyang mababang estado, at ang rekurso niya ay sa transformasyon ng politikang ginagamit na panghikayat sa kanyang pagkatao tungo sa politikal na mamamayang pang-estado, tungo sa sariling politisisasyong nakabatay sa kanyang makauring kalagayan.

At dito bubukas, hindi ang langit o ang wallet ng patron, kundi ang sariling paglaya ng indibidwal sa kanyang kolektibong lagay na ipinalalagay lamang ng politika sa rekurso ng estado. Ang politikal ang pagtunghay sa paglaya ng kolektibong pagkatao. Kaya matagal, at tila walang relief na kagyat na makakamit. Na taliwas sa instant gratifikasyon na isinisiwalat ng pagtangkilik sa kulturang popular—lalo na sa kontak ng pribadong kapital sa publikong layon ng libangan.

Pero ito o ang pagnganga, pagtingala sa langit o pagtungo sa lupa? (Bulatlat.com)

Share This Post

One Comment - Write a Comment

  1. · Edit

    PUP-Sociology Student po ako.Actually naging speaker na po kayo sa isang Forum namen at isa po ako sa nagtanong.Ngayon lang po ko nakabisita sa website nyo. Grabe ansarap iexplore,GALING! Sana mabasa ko lahat. Especially ung sa kulturang popular kasi sobrang nilalamon na ang mga kabataan..

Comments are closed.