Sex Video Scandals ni Hayden Kho

Na si Kho ay embodiment sa antas ng pagkatagos ng pagnanasang gamitin ang sariling katawan para makaangat sa lipunan—na kahit maykaya, pati si Kho ay ganadong magpursigi para sa sariling redempsyon sa ordinaryong kaginhawaan. At sinimulan nga siyang imanufaktura bilang nakatatanda at profesyonal na “boylet” sa telebisyon, at ang pagdikit niya sa figura ng higit pang mediang kapangyarihan, si Belo, ay lalo pang nagpatingkad sa kanya bilang escort-boylet-accessory-lover-partner-at iba pa.

Samakatuwid, sa figura ni Kho naging aksesorya ang pagkalalake ng mas makapangyarihang babae o babaeng mas may malaking ari kaysa kay Kho. Ang sex videos, kung gayon, ay ang coping mechanism ni Kho para i-redeem ang kanyang pagkalalake. Sa sex videos, tunay na macho man itong si Kho. Di nga ba’t sa sex videos ay feeling macho dancer si Kho, figura ng isang komersyal na pagkalalake, at sa ibang pagkakataon ay Barbra Streisand mode (direktor-aktor-producer-scriptwriter)?

Na si Kho ay nagma-matter lamang dahil sa pagiging produkto ng media. Kung hindi siya isang media product, mako-consign ang kanyang video sa mas malawakan pero proper noun ng iba pang sex video—UST scandal, Silliman scandal, Ateneo scandal, Cagayan de Oro scandal, at iba pa. Dahil siya na nga si Kho—sa maximisasyon ng kapangyarihan ng media sa paghulma ng kanyang figura—nagiging “Katrina Halili-Hayden Kho” ang katawagan sa scandal.

Spesipikong siya lamang at walang dili’t iba ang proper noun na tumutukoy sa “Hayden Kho.” Pero sa billing ay pumapangalawa pa rin siya. Ang video ni Halili ang mas tampok sa tatlo o apat nang lumabas sa publikong spero. Si Kho na nga na gumawa ng sex videos ay second billing pa rin sa skandalong lumabas ukol dito.

Walang makakatalo sa babaeng artistang umiiyak. Dumulog sa kapwa artistang senador at nalibot sa iba’t ibang insitusyon ng imbestigasyon at katarungan. Humingi ng pangkalahatang patawad si Kho, nagsabing kumukonsulta ito sa spesyalista. Nagkabatuhan ng kontra-akusasyon. Dinaot si Halili ng ina ni Kho, sinabing ang babae ang dahilan kung bakit nagsimulang magdroga raw ang kanyang anak.

May investigation na gagawin ang Senado. Pinagdebatihan kung papanoorin daw o hindi ang sex videos sa hearing. May opinyon na ang mga publiko: ginusto rin ni Halili, nasaan ang video ni Belo, ilan pa ang video ang mayroon si Kho, sex maniac nga ba ito, at iba pa? Patuloy ang saga na ito hanggang mayroon pang mapipitpit na katas ng buhay dito. May frontpage na laan na espasyo sa diyaryo at may continuing newsbreak sa telebisyon.

Sa ilang araw na pumutok ang skandalo, nagkaroon ng shield sa mga kaso ng korapsyon at pandarambong sa karapatan ng mga individual ng estado. Naging aktibo ang pagiging netizen ng mga mamamayan, kanya-kanyang hanapan ng sex videos sa internet para i-download, idiskusyon sa mga tao, magbuo ng opinyon hinggil dito. Si Kho ay nasa binggit ng pagkawalis sa kasaysayan. Pero bawat kibit nito ay balita pa rin.

At hanggang si Kho at sex videos ang laman ng balita, ang mga mediang produkto ang tinutunghayan ng media, tulad ng pagpapatiwakal ni Marky Cielo o ang pagkabangga at pagkahulog ng mamahaling sasakyan ni Richard Gutierrez sa bangin, ang pinagtutuunan ng pansin, nililikhaan ng opinyon ay mga bagay at karanasang hindi naman makakapagpabago ng politikal at ekonomiyang lagay ng nakararaming mamamayan.

Sa sex video scandals ni Kho, si Gloria Arroyo ang higit na nati-titillate. Nawawala ang fokus sa kanyang sariling pornograpikong kalabisan—bangkarote, nandarambong sa kaban ng yaman at katawan ng mamamayan, nagpapatuloy pa rin. Ang sinisingil ay ang illicit na bawal, hindi ang tunay na lumalabag sa di dapat. Kung sa ganitong predikamento nahuhumaling na ang mamamayan, isinuko na nang marami ang kapasidad maging mapanlimi sa pakikitungo sa kapangyarihan.

Ang politikal na skandalo ay pumapailanlang sa ere, naglalaho, napapalaho, hinahayaang lumaho. Ang sex video scandals ay lumalawak ang espasyo ng interes at pananakop. Ito ang gustong alalahanin ng mga tao sa matinding krisis na inako nila mula sa estado ni Arroyo. (Bulatlat.com)

Share This Post