Anatomiya ng Gahasa

NI ROLAND TOLENTINO
KULTURANG POPULAR KULTURA
Bulatlat

Ang mga insidente ng panggagahasa ng kababaihan ng US servicemen ay nagpapatuloy dahil patuloy na sistematikong pagbibigay-presensya sa mga ito sa bansa. Lampas nang isang siglong may Amerikanong sundalo sa bansa, may base militar man sila o wala. Kahit walang formal na base militar na itinatag, sa dispalsipikadong bisa ng Visiting Forces Agreement (VFA), nananatili sila sa bansa taon-taon.

Ang mga kwento ng panggagahasa ay nagpapatuloy sa mabigat (emosyonal, legal, psychical) at matagalan nitong paraan. Walang makakapagsabi at makakapanghusga sa kahandaan ng biktima na lumantad at ipaglaban ang kanyang kaso. Paratihan—ang kilusang kababaihan sa partikular, kritikal na publikong spero sa pangkalahatan—kasama ng biktima na nabibitin sa ere, kundi man, ang pagkakaroon ng roller-coaster na saga sa kanyang paghahanap ng katarungan.

Dahil sa maraming antas, talo at may husga na ang batas at korte sa babaeng nagahasa. Una, gaya nga ng tagline ng pelikula The Accused (1988), ang gahasa ang kaisa-isang krimen na ang biktima (ang babae) ang kailangang magpatunay ng kanyang kawalang-sala. Hindi siya ang humalay, humarot sa lalaki; hindi siya nakabihis na parang hahalayin o nanghahalay. At sa una’t huling pagkakataon, hindi siya babaeng mahalay ang reputasyon.

Ikalawa, di lamang pabor ang korte at mismong estado ni Gloria Arroyo sa pagsasawalang-kibo na lamang sa paghahanap ng katarungan ng babaeng biktima, kundi gagawin ang lahat ng magagawa nito para hindi makulong ang nanggahasang US serviceman. At nang sa gayon, magpatuloy ang ganansya—military aid at vote of confidence (ganda points)—ni Arroyo sa mata ng US.

Ikatlo, mismong ang dispalsipikadong VFA ay nagsasaad na ang mga sundalong isasakorte ay nananatiling nakapaloob sa poder ng US. Hindi ba’t si Daniel Smith, ang naakusahan ng panggagahasa ni Nicole, ay bigla na lamang itinatakas sa kalaliman ng gabi—una, mula Makati City Jail patungong US Embassy para manatili roon hanggang sa final na desisyon sa kaso; at ikalawa, nang pinatunayang hindi panggagahasa ang nangyari—binigyan ng pagkakataon ang judge na muling lait-laitin si Nicole sa desisyon—bigla na lamang itong naglaho na, bumalik na sa US. Dispalsipikado ang VFA dahil kahit malinaw na tratado ito sa pagitan ng US at Pilipinas, hindi naman inaprubahan ito ng Senado ng dalawang bansa.

At ngayon naman, ang kaso ni Vanessa sa Makati City. Pareho pa rin ang retorika ng publikong presentasyon: nangungumpisal na takip ang mga mata, kapanalig ang mga pamilyar na mukhang sumusuporta, si Emmi de Jesus ng Gabriela at ang abugadang Evalyn Ursua. Na kahit natagalang ilantad ang kaso—dahil sa di pa kahandaan ng biktima—ay naririto ang pamilyar na suporta dahil sino pa ba naman ang susuporta sa mga biktima?

Ayon kay Joan Salvador, tagapangulo ng Gabriela Youth National, mayroon pa ngang mga 82 kaso ng kababaihan at 14 na bata ang hindi man lang tumuloy ng korte dahil nga nakabalik na ang mga sundalo sa kani-kanilang mga bansa. Kabilang dito ang kaso ni Rosario Baluyot noong 1991 na namatay sa infection nang may naiwang bahagi ng vibrator sa kanyang ari. Naganap ang kaso noong 1986, binayaran si Baluyot ng P300 para makipag-sex kay Heinrich Stefan Ritter. Kinunan ng litrato si Baluyot kasama ng isa pang batang lalake. At hinalay nga si Baluyot. Isang taon matapos ang insidente, pinagkakaguluhan ang walang malay na si Baluyot sa isang tambakan dahil mabaho at may dugong nanggagaling sa ari nito.

Sa anatomiya ng aking klase sa biology, ang katawan ng tao, hayop at halaman ay may paghahati. Sa ilustrasyon, ang bawat bahagi ay may linyang tumutumbas sa pangalan ng bahaging ito. Bawat bahagi ay bahagi ng kabuuan ng nilalang. At sa dinami-rami at pagkakahalintulad ng ilustrasyon, nawawalan na ng dating ang mga bahagi at nilalang.

Isinasaulo naming magkaklase ang bahagi ng bulaklak na gumamela, ang iba’t ibang muscle group sa iba’t ibang gawain ng katawan, ng amoeba at iba pang simpleng hayop, mga halaman, at kung ano-ano pa. Ang bisa ng pagkakabisa ay ang dami ng tamang sagot sa recitation at pagsusulit. Maliban sa bulaklak o amoeba at simpleng hayop sa loob ng microscope, ang lahat ay nakabatay lamang sa textbook na kaalaman. Sino naman ang taga-high school nakakita na ng taong winakwak na mga kalamnan?
At ganito rin ang anatomiya ng panggagahasa. Nasasanay na nga ang mga tumutunghay di lamang sa bigat at tagal ng pakikisangkot sa korte at batas, kundi sa pagsasawalang-bisa ng mga kaso. Naiisip na wala namang magagawa pa, makakalayas din naman kahit maysala, maalok lang ng US visa para sa kanyang sarili at pamilya, ang panahon at enerhiyang sangkot sa kaso ay madaling maglaho.

Sa kaso ni Vanessa, nandito na naman ang lahat ng makabuluhang detalye para makapagsakdal at makatamo ng katarungan sa kanyang kaso ng panggagahasa. At kailangang mapagtagumpayan ni Vanessa ang kanyang kaso hanggang sa katapusan. Kundi, mangingibabaw ang kawalang pag-asa at di pagkilos ng nakararami. May pinapapasan muli kay Vanessa, at ito ay ang atas ng kasaysayan—ang unang Filipinang makatamo ng katarungan para sa kaso ng panggagahasa, at makapagpakulong sa bilangguan sa bansa ng maysalang Amerikanong sundalo.

Sa kulturang popular, malinaw ang representasyon ng panggagahasa. Ito ang pangunahing motibasyon ng melodrama sa bomba na pelikula. Ginagahasa ang babae sa ilog at batalan, habang naliligo o nagtratrabaho (naglalaba), at matapos nitong panghahalay, ang serye ng eksena ng sex tungo sa paghahanap ng the one (ang kanyang prince charming na handang magtanggol sa at pangatawanan ang kanyang [nawalay nang] puri).

Sa telebisyon, ito ang mga kaso ng panggagahasa sa mula sa mga sulat sa “Maalaala Mo Kaya” at yumaong “Magpakailanman” hanggang sa kasalukuyang crime reality television. Sa una, ang paghahanap ng katarungan kundi man simpleng kaligayahan, na mala-bomba film ang drama. Sa huli, ito ang karamihan ay mga unsolved na krimen, kundi man ang high profile na krimen ng mayayamang nanggahasa, at ang pambobosong ligayang matunghayan ito sa pamamagitan ng recreation sa telebisyon.

Hindi nga ba’t pati ang White Lady, ang urban legend sa iba’t ibang bahagi ng syudad, ay kinalalahukan ng panggagahasa? Naka-night gown ang babae, kundi man manipis na puting saplot (kaya nga white lady). Papara ng taxi o sasakyan sa isang madilim na lugar, ang isa kong narinig ay sa tulay ng Nagtahan, magpapahatid sa ibang lugar, Balete Drive madalas. Matapos ay sa puntong ihihinto na ng driver ang sasakyan, lilingon ito at matatagpuang naglaho na ang pasahero.

Kinabukasan, magtatanong ito sa bahay na pinaghintuan, at titindig-balahibo (ala Paraluman sa “Huling El Bimbo”) sa sagot, “Matagal na hong patay ang babae.” At ito ang lunsaran ng paghahanap ng katarungan ng mga biktima ng panggagahasa. Parating dapat ipaalaala ng presensya ng biktima ang kanyang kaso. Nakabalot ang mukha, hindi natutunghayan ang “salamin ng pagkatao,” parating nagpapaalaala, tulad ng White Lady, sa karahasang naganap sa kanya, at ang patuloy na pagdanas ng kawalan-katarungan.

Bilang haunting at haunted figure, ang biktima ng gahasa ay nananatiling bukal ng fasinasyon at pakikitungo ng mga tumutunghay. Sino ba ang hindi tinitindigan ng balahibo sa mga kwento ng kababalaghan, ang mapagtantong figura ng ginahasang babaeng namatay at nagmumulto? Kung itong uri ng urban legend ay patuloy na nagmumulto sa kolektibong alaala ng mga tagasyudad, paano pa kaya ang aktwal na kaso ng panggagahasa?

Hindi nga ba’t namumutiktik din ng urban legend ang kaso ni Nicole—ano kaya ang nakuhang pabuya at sa puntong final na mananalo na sana sa kanyang kaso ay bigla nitong binaligtad ang kwento? At bakit nakatungo ito nang agad-agaran sa US? Ano ang mas malaking kinabukasang nag-aantay sa kanya roon? Hindi ba’t ironikong ang kanyang Amerikanong boyfriend ay siya ring pinanggalingang lipi ng naulat na gumahasa sa kanya?

Sa mga tumutunghay, lahat naman tayo ay figura ni Nicole. Love-hate ang ating relasyon sa imperialistang US. Hate natin ang imperialismo ng US gayong love natin ang mga produkto ng imperialismo—Coke, Marlboro, Levi’s, McDo, Starbucks, Hollywood films at television, Disneyland, at iba pa. May pinagkaiba ba ang kontradiksyon at aksyon ni Nicole sa pinaka-g-n-d (grim and determined) na aktibista?

Maari bang iwaksi ang isang bagay at manatili pa rin sa pinakaibuturan ng puso ang pangungulila para rito? Kinamumuhian pero minamahal, minamahal pero kinamumuhian. O sabayang minamahal at kinamumuhian? At kung magpakaganito, bakit nananatili pa rin, kahit na maituturing na pinakabangkaroteng pangulo sa kasaysayan ng bansa, sa kapangyarihan si Arroyo? Ano ang sabayang minamahal at kinamumuhian sa kanya?

Ang ethos na nagpapasabay sa pagmamahal at pagkamuhi ang kapanalig ni Vanessa hanggang sa puntong hindi siya bibitiw. At sana nga, kahit napakahirap at tunay nga itong matagalang pagdurusa sa paghahanap ng kaluwalhatian sa katarungan, ay hindi siya bumitaw. Manalig lamang na kasama niya ang kilusang masa na may realisasyon na sa politikal na pakikibaka lamang matatamo ang anumang pag-aabante ng politikal na kagalingan sa kanyang kaso at sa kanyang bansa.

Ito ang atas ng kasaysayan, ang oportunidad na mabago ang pangingibabaw ng rehimeng US-Arroyo. Sa katulad na kaso ni Vanessa, matatamo ang katarungan.(Bulatlat.com)

Share This Post

2 Comments - Write a Comment

  1. Grabe . Naiisip ko lang . Habang tumatagal. pabata ng pabata . ang nabibigtima ng Rape . Sana naman po Gawan nyo naman ng paraan para mawala na ang karahasang yan. isipin nyo din kung sa ibang tao. parang sobrang sakit isipin ang nang yare sa kanya. pano pa kaya kung isa sa mga pamilya mo na ang nabiktima. ano po ang mararandaman nyo nun. mas maganda po sana kung mas pataasin pa ang sintensya ng mga gumagawa ng ganyang karahasan. para naman matakot sila. gumawa ng ganyang bagay. . . madami silang sinisirang kinabukasan . pag katapos gahasain. binubustis .

    . . salamat .

Comments are closed.