Hustisya para kay Rebelyn Pitao!

PAHAYAG NG CONGRESS OF TEACHERS AND EDUCATORS FOR NATIONALISM AND DEMOCRACY
DEMOCRATIC SPACE
Inilathala ng Bulatlat

Isa na namang sibilyan ang pinatay ng rehimeng US-Arroyo.

Marso 4, Lunsod ng Davao, takipsilim, isang puting van ang humarang sa traysikel na sinasakyan ni Rebelyn Pitao – 20 taong gulang, guro sa isang lokal na paaralan, anak ni Kumander Parago ng Pulang Bagani Command ng Bagong Hukbong Bayan sa Mindanaw – at siya’y dinukot ng mga armadong lalaki. Kinabukasan, natagpuan ang kaniyang halos hubad na katawan sa isang maliit na irigasyon sa Davao del Norte, may limang saksak ng ice pick, may mga marka ng pagkakatali at busal sa bibig, may hiwa ang ari at iba pang tatak ng pagpapahirap.

Ayon sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIL) – isang kasunduan ukol sa pagtataguyod ng karapatang pantao ng mga sibilyan at mandirigma sa gitna ng armadong tunggalian na nilagdaan ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at Gobyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) noong 1998, ang mga sumusunod “violence to life and person, particularly killing or causing injury, being subjected to physical or mental torture, mutilation, corporal punishment, cruel or degrading treatment and all acts of violence and reprisals, including hostage-taking, and acts against the physical well-being, dignity, political convictions and other human right;” (Article 3, Part IV, Respect for International Humanitarian Law, CARHRIL), ay mahigpit na ipinagbabawal na ipataw o gawin sa mga sibilyan, mga hindi armado o kahit na sino mang walang aktibong bahagi sa armadong tunggalian. Ngunit, sa kasaysayan ng pagsupil sa inhurhesiya ng bawat papet-pasitang rehimen sa Pilipinas, naging eksperto na ito sa pagwawalang bahala at paulit-ulit na paglabag sa karapatang pantao ng mga mamamayan. Ginagawang uod na pampain ang mga mahal sa buhay ng mga pulang mandirigma upang sila ay matakot at tuluyang sumuko. Ginagawang lambat ng ngalit at desperasyon ang masa upang pahinain o limasin ang tubig na nilalanguyan ng mga rebolusyonaryong puwersa. Sa pagkukumahog nitong palisin ang 40 taong armadong pakikibaka ng Partido Komunista ng Pilipinas-Bagong Hukbong Bayan (PKP-BHB) sa 2010, ay kabi-kabila ang mga pagpatay, pagkawala, at pandarahas sa mga aktibista, mamamahayag, pinaghihinalaang mga PKP-BHB at kanilang mga kamag-anakan. Sa kasalukuyan ay umabot na sa mahigit isang libong kaso ng pulitikal na pamamaslang, 200 kaso ng sapilitang pagkawala, at libo-libong insidente ng iba’t ibang porma ng pandarahas ang naitala simula 2001. Sa pagsasakatuparang muli ng Visiting
Forces Agreement (VFA) at Balikatan exercises, tinatayang tataas pa ang bilang nga mga paglabag sa karapatang pantao, lalo ng mga sibilyan sa kanayunan.

Noong isang araw, inilibing na ang mga labi ni Rebelyn, ngunit hindi nailibing kasama nito ang iginuhit ng kaniyang pagkakapaslang. Hindi ang karumal-dumal na pagkamatay, ang limang saksak ng ice pick at mga sugat sa kanyang ari, na magpapabigat sa pagdadalawang-isip ng mga mamamayang nagtatanong at nagugulumihanan. Hindi ang kaniyang ibayong dedikasyon sa sinumpaang tungkuling linangin ang isipan ng kabataan, isang malaking kawalan ang kaniyang pagkamatay para sa isang bayan na salat na salat sa mga guro ng bayan, ngunit isa rin itong hamon sa mga kapwa guro upang patuloy na pag-aralan at magmulat ukol sa kalagayan ng lipunan. Hindi ang marka ng busal sa bibig, o ng pagkakagapos, na aayon sa pagpapaigting sa tunggalian ng mga uri at patuloy na magbubuklod sa mamamayang naghihirap na tanggalin ang busal sa bibig at kalasin ang gapos ng pagka-alipin. Hindi ang tatag ng dibdib ng kanyang mga naiwan – ng Inang nangungulila ngunit matatag sa pagharap sa dalamhating bunga ng digmaan, ang Amang di-natitinag sa kaniyang pakikibaka, ang kapatid na naging biktima rin ng pandarahas at tangkang pagpatay ng militar ngunit sumama sa kaniyang ama sa pakikibaka – na magsisilbing alaala sa mga aktibista at kumikilos para sa tunay na pagbabago, na ang mga banta ay hindi sinasagot ng takot kung hindi ng ibayong tapang sa patuloy na pagkilos para sa matuwid. At higit sa lahat, hindi naibaon sa hukay ang matatamis na ngiti ng isang anak, na magpapatuloy ng alab sa dibdib ng isang rebolusyunaryo – Ina, Ama, o kapatid, man – at ng kaniyang mga kasama, na naghahawan ng daan tungo sa tunay na kalayaan.

ITAGUYOD ANG KARAPATANG PANTAO!

ITIGIL ANG PAMAMASLANG PULITIKAL AT SAPILITANG PAGKAWALA!

HUSTISYA PARA KAYA REBELYN PITAO!

Marso 17, 2009

(Inilathala ng Bulatlat)

Share This Post