Na hindi rin kataka-taka na ang produkto, tulad ng Eraserheads, na matagal nang nag-disband at sa hindi pinakamagandang pamamaalam at breakup, hindi ba, ay kaya muling mag-second final reunion ng kapitalismo? Na kahit maari na naman atakihin si Eli Buendia, ang lead singer, pero mapipilit pa rin itong makahalubilo ang kinamumuhian niyang kagrupo at mapapakanta pa rin ito uli—huwag naman sa huling pagkakataon.
“By the power of Grey Skull, I am He-man,” at ang simpleng tao ay nagiging superhero, ang angas ng bandista ay nagiging angas ng naghihingalong kapitalismo sa edad nitong krisis. Ano ang hindi kayang gawin ng kapital? Na kahit napapabalita na may pinirmahan daw ang bandista ng kontratang sa susunod na sampung taon na lamang ulit sila magkaka-final reunion ay patunay lamang sa patuloy na komodifikasyon, maging ng naagnas na entidad, dahil sa kapasidad nitong hindi lamang makapanghimok ng nostalgia, kundi dahil sila mismo ang embodiment ng inosenteng nostalgia.
Sa sayaw na El Bimbo, kung tama nga ako, walang nagli-lead, di tulad ng ibang ballroom dances. Sabay lamang ang orkestrasyon ng galaw ng lalake at babae. Trippy pa nga dahil ito ang isa sa mga sayaw na pwedeng isayaw na nakapikit ang mata. Insidental ang partner dahil internalisado ng individual ang ethos ng awit. At ito ang pinupukaw ng kanta ng Eraserheads, ang internalisasyon ng nostalgia bilang uri ng inaakalang subersyon sa sistema ng pag-ibig at kapital na walang hanggan ang reaktibasyon. Sa kanta, magandang gabi at hanggang dito na lamang po.
Na sa pagpasa nito sa McDonalds na komersyal sa yugto na malinaw nang nakapasok ang global na krisis sa bansa, nagpapatuloy ang reproduksyon ng nostalgiang inosente. Wala kaming kinalaman diyan, hindi kami ang salarin, ayon sa McDonalds at iba pang global na negosyo. At hindi nga lang wala silang kinalaman, inosente pa sila—maging ang kasaysayan nila—at ang kanilang produkto sa reproduksyon ng kapital at kita.
Kung gayon, ang first love ay tunay na hindi namamatay, paratihan lang itong naghingalo para muli’t muling balikbalikan via nostalgia mode na inosente ang flavor. At ang sikreto ng batang tumandang magsing-irog—ang pag-dip ng fries sa sundae—ay isang self-reflexive mode sa manonood at mamimili ukol sa kanilang sariling kamusmusan. Nang tanungin ko sa klase kung may gumagawa ba nito sa kanila, marami ang nagtaas ng kamay.
Marami ang nakapaloob sa sikretong lenggwahe ng kapitalismo—silang may pambili ng McDonalds. Sa maraming hindi, sinasaad naman na ang tira-tira—ang pinaghalong kung ano-anong sobra at hindi lubos na nakain—ang posibleng modalidad ng pagkain pa rin ng fries. Pati ang nangangalakay ng supot ng basura sa McDonalds ay may afinidad sa sikretong lenggwahe. Wink-wink!
Itong preferensya ng mamimili at mangangalakay ay naglalatag ng nosyon ng individual na ahensya. May kapangyarihan pa rin sila sa edad ng krisis, dahil ang naaalaala nila ang isang transplanted na memorya nila—ang nostalgia hinggil sa first love, at ang McDonalds bilang sityo nito. Halinang umibig, mawalan ng pag-ibig, gunitain ang unang pag-ibig. Na kahit sa edad ng krisis, ang tao, kahit walang pera, ay maaring umibig at mapaibig.
Luv ko ‘to! Na ang pagmamahal ay paglalamay sa naunsyami’t binorloloy na unang pag-ibig. Kasama ng “Kanlungan” ni Noel Cabangon na ginawa ring theme song ng ganitong nostalgia at coming-of-age ng pamilya at bansa, heto na naman ang isang kantang inalay sa paanan ng naghihingalo entidad. Mabuhay ang patay!(Bulatlat.com)
RELATED CONTENTEkonomiya at Pulitika ni Sister Karay

Actress Jodi Sta. Maria joins Migrante in demanding justice for OFW killed in Mongolia (Photo courtesy of Migrante International / Bulatlat.com)
Subscribe (RSS or Email) About Us Donate Contact Us Archive Advertise with Bulatlat
Leave a Comment