Nazareno

NI RICHARD R. GAPPI
Inilathala ng Bulatlat

Nire-retouch ng isang production assistant ang make-up ni Mike Enriquez.
Nagkulay puting-dagat sa kinakaway na mga tuwalya ng Good Morning at panyo ang Jollibee fast food at ang Plaza Miranda habang inaawit ang Nuestro Padre Jesus Nazareno. Nasa arko na Siya sa kanto ng Villalobos.

“Buksan nyo na ang pinto!”

“Yung susi, nasaan? Yung susi!”

Bago Siya makapasok, nagkulay-asul ang LCD monitor at widescreen sa gusali ng Mercury Drug. Nag-flash ang LOW BATTERY. Nagsigawan ang mga tao, parang nabitin sa panonood ng sine. Sa monitor na nasa harap ng basilica, naka-pokus ang kamera sa isang matandang babae na nagwawagayway ng puting panyo, gumuguhit ang luha sa kanyang mga pisngi.

Alas-9:10 ng gabi Siya nakabalik. Numipis ang tatlong milyong katao. Naisubo na ang huling ostiya sa huling misa.

Sa Quezon Boulevard, may bagong paghihintay. Hawak ko ang kalendaryong may mukha ng Nazareno, ibibigay ko kay nanay pag-uwi mamaya. Sana may dumaan agad na G-Liner. Mga limang minuto lang, di ko namalayan, tumapat sa harap ko mismo yung bus at nakasakay ako. Sana pagbaba sa terminal, makasakay agad ako ng jeep pa-Angono para makapanood ako ng late night news.

Pagbaba ko sa Villa Lolita sa tapat ng terminal, mga dalawang minuto pa lang, yung unang jeep na dumaan byaheng Angono, tumapat mismo sa harapan ko.

Habang naglalakad pauwi sa bahay, naisip ko: sana maabutan ko yung late night news para mapanood ko yung coverage sa prusisyon ng Poong Nazareno. Bigla, sa likod ko, dumating si Frank dala yung traysikel nya at nakiangkas ako. Pagbukas ko sa tv, matatapos pa lang ang Bubble Gang.

“Abangan mamaya sa Saksi! Prusisyon ng Poong Nazareno, inabot halos ng 12 oras!”

Tawagin man itong pag-asa, pangarap, katuparan, optimismo — ang sampalataya ay pamimintuho. Pinto itong sinasalubong ang pagkakataon. Dumating man ito ng isang minuto, isang oras, isang taon, o habang panahon. Kahit hindi mo na madatnan. Kahit hindi na natin madatnan. Basta alang-alang sa pinag-aalayan.

Angono, Rizal, Pilipinas
10 Enero 2009
9:40 ng umaga

Share This Post