November 22, 2014     Philippines
Support alternative journalism. Donate to Bulatlat.com.

January 19, 2009
Libo-libong Santo Niño

Ang erehiya sa debosyon ay naisasakatuparan ng sagutan ng pito. Habang tumatagal, sumisikip ang prusisyon. Natransforma ang relihiyosong prusisyon sa sekular na parada. At sa aming pag-uwi, naiwan ang nag-uumpukang magkakaibigan, nagkukwentuhan ukol sa parada at sa kanilang partisisipasyon dito, may nag-iinuman sa sidewalk at kalsada, may nagwawalis na rin ng kalsada. Bumabalik ang kalsada sa dati nitong gawi. Gayunpaman, “Viva Señor, Viva Santo Niño” hindi para sa orihinal kundi pa sa reprodusabilidad nito sa bawat nagpruprusisyon, naglalantad ng sexualidad, tumutunghay, nag-iinom, sumasayaw na kopya ng poon.

NI ROLAND TOLENTINO
KULTURANG POPULAR KULTURA
Bulatlat

Matagal ko nang nababalitaan ang prusisyon ng mga Santo Niño sa Tundo. Nagpunta kami ng kaibigan ko noong Sabado, 17 Enero 2009, sa imbitasyon ng kagurong si Ferdie Lopez ng UST. Bisperas ng pista ang prusisyon. At kakaiba ito sa mga prusisyon na nasubaybayan ko.

Mas lantad ang erehiya (“heresy” na hindi naman maling pananampalataya kundi ang pagsasalin ng pananampalaya sa labas ng relihiyosong domeyn nito). Nagmimistulang trespassing sabjek ang mga kasama sa prosisyon, maging ang periperal na kalahok dito, tulad ng mga magkakabarkadang babaeng nakikisayaw at harutan sa hanay ng nanonood ng prusisyon.

Nagbukas ang prusisyon sa mga pari at relihiyosong nagbebendisyon ng mga sanggol. Matapos ay ang imahen ng “orihinal” na Santo Niño ng Tundo. Nang nakaraang taon, ito ang grand finale pero dahil sa malaganapang erehiyang natutunghayan, minabuti ngayong taon na unahin na ito. Kasunod ng poon ang San Jose de Navotas, na tunay namang taon-taon ay ini-import mula sa Navotas dahil nga kinikilala ito bilang ama ng poong bata.

Ang hindi maawat ay ang pwersa ng estado, sa figura at ngalan ng politikong tampok sa prusisyon at sa tarpaulin na kanilang inisponsor. Si Mayor Alfredo Lim, nakasuot ng t-shirt na “Los Angeles”, ang pinaka-patron nito sa prusisyon. Nasa likuran siya ng poon bilang kasalukuyang politikal na ama nito, at higit pa sa poon, paratihang humihinto sa sinumang gustong makipag-piktyuran sa kanya. Hindi inantala ang mabagal na ngang ritmo ng prusisyon, hanggang sa lumaki nang lumaki ang puwang sa harap na bahagi nito.

May mga lokal na politiko rin, pati ang banggit ni Ferdie na bading na personahe na ngayon ay kagawad. Bata pa raw si Ferdie ay nakikita na niya ang kagawad, naka-makeup at ngayong taon ay ginawang headdress ang umiilaw na Santo Niño. Pulis at tanod ang namamatrol sa daloy ng prusisyon, pati ang trafficking ng pagpapakuha ng litratong kasama ang mayor. Sila ang nagkukurdon ng mga malalaking personahe, pati na rin ang pagtiyak ng daloy ng prusisyon. Dagdag pa rito ang plastic na strips na dekorasyon sa kalsada—blue at pink na kulay ng isang nagpapakomersyal na sa sinehan para sa pagtakbo sa pagkapresidente sa 2010!

Matapos nitong pinakamalaking bugso ng representasyon ng simbahan at pamahalaang Maynila, ang tunay na prusisyon ang mas interesanteng pinakakaabangan. “Hot Stuff” ng gay icon na Donna Summer ang tugtog sa harapang banda nang mapadaan ito sa balkon ng bahay na pinanonooran namin. Nakahanda na ang balkon, tulad ng mga katapat at katabi nito. May mga upuan at inumin na para mapanood ang prusisyon sa kalsada. Kaya pala ang mga bahay sa kalsada sa bahaging ito ng Tundo ay puro may balkon o tarangkahan sa unang palapag, para panooran nga ng prusisyon.

Ang partisispasyon sa prusisyon ay kinakailangan ng pagiging kasapi ng mga organisasyon para sa Santo Niño. May mga organisasyong pangkalsada, pang-zona, fraternity, at iba pa pa na pawang kinatatampukan ng hanggang dalawang daang unipormadong walang sawa at pagod na choreographed na sumasayaw hanggang sa pagtatapos ng prusisyon. At hindi simpleng sayaw ang ginagawa, may choreography na binabago at pinapagyaman bawat taon, dagdag pa ang ilang araw rin na ensayo nito bago ang araw ng prusisyon. Bukod pa ito sa sayaw na ginagawa sa poon, pati ang paghaltak at indayog sa Santo Niño nakasakay ng bangka.

Libo-libong poon ang iprinuprusisyon, iba pa ang nakaantay na isinasayaw sa labas ng prusisyon. Banggit ni Ferdie, kung gaano raw karami ang kasapi ng pamilya, ganoon din karami ang bilang ng poon. Kaya pala, di tulad sa Nazareno sa Quiapo na nagkakandakumahog ang mga tao para salatin at punasan ng bimbo at panyo ang poon, ay halos hindi napapansin ang orihinal na poon. Nagkalat kasi ang erehiyang mga poon na nakakapanlusaw sa kapangyarihan ng orihinal.

Nakakapanlusaw sa isang banda dahil nga mas personalisado ang relasyon sa mini-me na poon. Dinadamitan ito, tulad ng Barbie Doll. Mayroong Santo Niño na naka-diaper lang, naka-camouflage, naka-fur na pula at dilaw, naka-basketball jersey, naka-atiatihan na costume, naka-windbreaker, Bumbay na Santo Niño, environmental na Santo Niño, at Donya Santo Niño. May iba-ibang props din na bitbit, di lang ang tipikal na globe o supot para sa berdeng Santo Niño. May hand bag, net na panghuli ng isda, bonnet, at headress. May iba-iba ring personahe: Santo Niño na palaboy, Santo Niño sa kariton. At isinasayaw rin ito sa taas ng ulo kaya mas intimate ang relasyon sa Santo Niño sa kani-kanilang bahay.

Para ring bagong taon sa paputok. Hindi relihiyoso siempre ang tugtog sa hanay ng mga inarkila at homegrown na banda ng tambol. Parang Caribbean at Miami Sound Machine ang kumpas sa matutunghayan na musika ng “Spaghetti” at “Macarena”. Napapagitnaan ang banda—na hinahatak ng mga maliliit na bata ang tambol na nakapwesto sa sasakyang may gulong—ng naka-umpok pero disiplinadong hanay ng nakauniporme at choreographed na nagsasayaw na kasapi ng organisasyon. Sa isip ko, pwede na itong pang-opening ceremonies ng Olympics. Tunay na hitik sa enerhiya ng kalsada ang drum at bugle na banda ng kabataang lalake. May mga higanteng drum ng tubig—bakal at plastic—na nakapwesto sa karitong mahahatak ng kahit paslit.

Ang koordinasyon ng dalawang bahagi ng nagsasayaw, pati na rin ang kumpas sa banda, ay hinuhudyat ng sagutan ng pito ng mga nakatokang personahe ng organisasyon. Malinaw ang kumpas ng mga choreographer sa harap ng dalawang bahagi ng pulutong, pati ang nakatabi sa banda, at ang naghuhudyat ng sinkronisadong performance sa kalsada, pati ang pagpapadaloy ng prusisyon ay nakaangkla sa nasingsing koordinasyon ng pito.

At di mabibilang ang organisasyong kalahok at naghanda para sa prusisyon. Ang Herbosa Group ay nakadilaw na t-shirt. Ang Samahang Mangingisda ay may Santo Niño na nakasakay sa maliit na bangka at ang pagkilos ay nagsasaad ng indayog ng alon at kaguluhan sa bagyo sa karagatan. May organisasyon na ang tawag sa sarili ay “Kabataang Iwas Droga”, “Batang Hamog, Trop. Pacute”, “Tau Gamma Phi Roxas Chapter”, “Tribung Pacheco” at “Magsaysay Tribe”. At banggit ni Ferdie, mayroon ding organisasyon na puro gwapo ang kasapi, at mayroon pang screening para matiyak ito. May organisasyon na nakabase sa gym na puro nakahubad na nagsasayaw na lalaki ang nasa prusisyon. Dati raw ay ito ang unang bumubulagta sa prusisyon—mga lalakeng gym bods na nakatapis lang.

Ang grupong Gin Patayo ay nakapula at nakasuot ng asul at pulang t-shirt na may pangalan ng organisasyon. May ilang mas matitikas na lalake na naka-Clockwork Orange na putting mascara. May grupo na naka-itim, may grupo na naka-violet. Ang Pitong Gatang ay tampok parati ang mga mujer na bading, kuntodo costume na pumaparadang parang starlets at panandaliang nakikipag-umpukan sa kakilalang bading sa labas ng prusisyon. May grupo na ang mottong nakatatak sa t-shirt ay “One beat, one dance, one vision”. At may grupong ang logo ay Hello Kitty, na ang sponsor raw ay galing pa sa OCW na deboto sa Japan.

Ang choreography ay may halay factor, tulad ng paggiling ng macho dancer at grind ng mga babaeng African American. Parang sinapian ang lahat ng pagiging disipulo ng Aldeguer Sisters, ang “classy” na uri ng costume na choreography sa panahon ni Marcos. May bahagi pa ng choreography na babaklas ang nakauniporme sa hanay at gagawa ng iba’t ibang tumpok. May ihahagis na mas maliit na kasapi sa ere, parang Pep Squad, o bigla na lang sabay-sabay na gigiling na parang nakakawala sa nasusunog na gay bar. May sumasayaw na grupo sa tugtog ng “Legs” ng Hagibis.

Ang mga mas matatandang lalake ay tinatagayan ng gin. Ang mas bata ay may bitbit na Red Horse habang nagsasayaw sa kalsada. Pero ang matingkad sa prusisyong ito ay ang display ng akto ng sexualidad. Mula batang bading na may pride lang sa ginagawang pagsasayaw, hanggang sa mga magkakabarkadang teenager na babae na nanghihipo sa katawan ng lalakeng natipuhan nila sa loob ng prusisyon, pati na rin ang pagtutulakan para makahalik sa lalake, namumutiktik ang atensyon sa pamumukadkad at pagtanggap sa samu’t saring sexualidad.

At hindi ba kakatwa ito na ang debosyon para sa poon ay naisasalin sa paglalantad ng nakatagong isyu ng sexualidad? Macho dancer, giling ng egay, vogue ng mga bading ang tampok sa choreography na isinasayaw na may uri ng misrekognisyon sa pagsasalin nito sa iba’t ibang grupo—ang tampok na pagkilala ng indayog sa expresyon ng kolektibidad at hindi pa ang orihinal na pinanggalingan nitong sityo ng sexualidad. Ang interaktibong katangian ng parada—na pati ang nasa labas ng parada ay may antas ng paglahok sa loob—ay ang ugnay para magkaroon ng kinetisismo ng akto ng sexualidad.

Sa kabilang banda, ang libo-libong Santo Niño ay simulacrum pa rin ng orihinal, kasama ang kalakaran, ideolohiya at ethos nito. Extensyon pa rin ito ng orihinal na debosyon at rehimentasyon ng paniniwala. Gayunpaman, sa anim hanggang walong oras, sa bisperas ng rurok ng pagdiriwang ng kapistahan ng poon, ang poon ay di dinadambana sa simbahan kundi sa kalsada. At ang kalakarang nakakapagdambana sa poon ay hindi nito lubos na ikatutuwa. Temporal na napipigtas ang ideolohiya ng relihiyon ng simbahan para sa praxis ng ideolohiya ng relihiyon ng kalsada.

Ang erehiya sa debosyon ay naisasakatuparan ng sagutan ng pito. Habang tumatagal, sumisikip ang prusisyon. Natransforma ang relihiyosong prusisyon sa sekular na parada.

At sa aming pag-uwi, naiwan ang nag-uumpukang magkakaibigan, nagkukwentuhan ukol sa parada at sa kanilang partisisipasyon dito, may nag-iinuman sa sidewalk at kalsada, may nagwawalis na rin ng kalsada. Bumabalik ang kalsada sa dati nitong gawi.

Gayunpaman, “Viva Señor, Viva Santo Niño” hindi para sa orihinal kundi pa sa reprodusabilidad nito sa bawat nagpruprusisyon, naglalantad ng sexualidad, tumutunghay, nag-iinom, sumasayaw na kopya ng poon.(Bulatlat.com)

ARTICLE TOOLS
Printer-Friendly Version Printer-Friendly Version

TAGS
, ,
CATEGORIES
* Latest PostsnameGunita ng Salita
REPRINT
Feel free to reprint, repost or republish this material. (Read Bulatlat's syndication policy.)

BROWSE BY SECTION OR SUBJECT ››

Politics
Economy
Human Rights
OFWs & Migration
Agrarian Reform
Labor & Employment
Urban Poor
Environment
Education
Youth
Indigenous Peoples

Women & Children
Health
Media
Culture
Poetry
Analysis & Opinion
Regions
International
Democratic Space
Press Releases
Downloads

ON THE FRINGES (BULATLAT STAFF BLOG) ››