Blast from the Past na Palabas ng Politika

At ito ang aking blast from the past na umantig hindi pa sa aking politika, kundi sa politika ng pagtatanghal ng politika. Ang pananatili ng sistematikong kondisyon ng estado ay nangangahulugan ng pananatili at reimbensyon ng politikal, hindi lamang simpleng pagtatanghal nito, o lalo nang pagbabatikos nito ng walang rekurso sa labas ng indibidualistikong introspeksyon. Ang sining ay nananatiling para sa pagpapakilos ng mamamayan para sa kolektibong kabutihan.

NI ROLANDO TOLENTINO
Kulturang Popular Kultura
Bulatlat

Noong nakaraang linggo, nanood ako na dalawang palabas. Hinigop ako sa isang dating politika na matagal ko nang pinagdaanan. Kaya nang muli itong humarap sa akin, tila ito magnanakaw na mas ikinagulat ko pa ang panghihimasok kaysa sa pakiwaring may natangay sa akin. Luma na itong politika, at muling nailalapag sa iba’t ibang motibasyon sa kasalukuyan.

Kapag sinabi kasing “blast from the past,” tunay namang bomba nukleyar ang balik ng isang karanasan sa nakaraan. At ang pagbabalik ay naghuhudyat ng kapasidad nitong manglusaw sa kasalukuyan. Bagamat hindi ko matitiyak ang intensyon ng mga palabas o ng kanilang mga awtor, ang pagtatangkang muling buhayin ang nakaraan para sa interogasyon di lamang nito kundi lalo na ng kasalukuyan ang nais kong tukuyin rito. Kung ano ang kinalabasang manipulasyon ng panahon, para kaninong interes, at ang resultant na politikal na proyekto.

Una ay ang panonood ko ng dulang “Gerilya ng Powell” na hinalaw ni Rody Vera, batay sa unang nobela ni Benjamin “Boying” Pimentel. Ang nobela at dula ay ukol sa mga nagtatandaang Filipino, na sa nag-aantay sa ekonomikong kapantayan sa mga sundalong Amerikanong nanilbihan rin sa World War II, at mula sa San Francisco (California, di Del Monte), isa-isa nang nangangamatay sa pag-aantay sa wala. Para itong dulang “Waiting for Godot,” na ang mga tauhan ay nag-aantay, nakikipagkwentuhan tungkol sa pagdating ni Godot, pero sa huli ay hindi naman dumating ang inaantay.

Ang kaganapan ay isang imahen lamang. Paano mag-antay sa anino ng magpapantay na kagalingan? Paano mag-antay sa tiyak na darating, ang imperatibo ng kamatayan? Ang proyekto ng naratibo (ng dula at nobela) ay pag-ugnayin ang mga imahen—mga anino, multo, kaluluwa, pagkatao, at iba pa. At ang labi ng pag-uugnay na ito ay panghihinayang, hindi pa sa akto ng pag-aantay, kundi sa politika kung bakit sila nag-aantay.

May tatlong panahon na pinag-uugnay ay ang mga sumusunod: una, ang panahon ng giyera laban sa mga Hapon, at ang pagpanig ng mga Filipinong sundalo hindi pa sa Hukbalap na mananatiling buhay matapos ng giyera, kundi sa giyera ng Amerikano; ikalawa, ang panahon ng batas militar hanggang sa biyakan ng Kaliwang kilusan, at ang pagpanig hindi pa sa tagumpay ng anti-diktador na pakikibaka kundi sa indictment ng pagiging loser ng lihim na kilusan, ayon sa naratibo, na pumapatay ng kauri nito; at ang kasalukuyang panahon na ang pag-aantay ay reunion of sorts ng mga multong pagkatao (dating gerilya na ngayon ay tambay sa Powell Street, at ang biktima ng purging).

Ang tatlong panahon na ito ay nagtatago sa isang transnasyonal na lokasyon, ang Powell Street na publikong tambayan ng mga “manong,” na dating pantukoy sa mga lalaking unang nangibang-bayan sa Amerika bilang manggagawa sa canneries at agricultural belt, at sa sumunod sa mga nakapag-immigrate sa US bilang pabuya sa kanilang paglahok sa giyera ng US noong World War II. At malapit sa Powell Street, ang mumurahing kwarto at apartment na tinutuluyan ng mga manong.

Ang Powell Street ang naging sentral na lunan ng pagtatagpo ng mga manong. Ito ay may pisikal na sityo, doon sila nagkukwentuhan, nagtse-chess at nagkakantyawan. Ito ang natural na lagusan ng mga pribadong pagkatao ng mga manong, kahit pa sa dula, may aksyon ding nagaganap sa apartment at tirahan. Ang Powell Street ay metapisikal na lunan din. Ito ang kumpulan ng mga nagtatagpo at dumarating na kaluluwa ng mga manong, maging ang interaksyon ng biktima ng purge sa mga manong.

Dispalsipikado ang interaksyong ito, inilalagay sa lunan ng metapisikal na spero kaysa sa materyal na kalagayan. At kung metapisikal na spero, maari lamang magtanong dahil wala namang masinop na tugon sa existential na isyu. Kung gayon, ang politika ay na-reduce sa kapantayan ng karapatan ng mga Filipino at Amerikanong beterano, na dinaot din sa naratibo: hindi ito darating, at kung dumating man, mabibilang na lamang ang makikinabang dito.

At kung magpakaganito, nauwi sa humanistikong appeal ang naratibo. Puro tanong at naturalistang pagtalakay sa mga buhay ng mga multo kahit pa nga absurdo ang paraan ng pag-unlad ng naratibo. Na ang mismong manunulat ay nanggagaling sa San Francisco, at may reputasyong unang Filipinong journalist na kinuha ng San Francisco Chronicler, chronicler ng dating buhay ng martir ng kilusang si Edgar “Edjop” Jopson, at muling nag-reissue nito na may hypothetical na kondisyon na kung nabuhay kaya si Edjop sa panahon ng disoryentasyon, ano ang kanyang gagawin, tunay na ipinipinta ni Pimentel ang kanyang sarili ng kanto ng kwarto.

Existential ang pagposisyon ni Pimentel kung wala siyang ugnay sa anumang faksyon ng kilusang kanyang tinatalakay, ang material na batayan na nagbigay sa kanya ng kultural na kapital. Pero sa nananatiling tunay na kilusan, ang nananatiling pinakamalawak pa rin na hanay ng Kaliwa at organisadong mamamayan, malisyoso ang mga tanong ni Pimentel. Walang paglulugar ang malikhaing tugon niya sa kanyang proyektong paglusaw sa pananatili ng pambansang demokratikong kilusan.

Kulang ang personal na introspeksyon sa kanyang inilunsad sa mga proyekto—sa personal na antas, sa indibidual na introspeksyong mamumukadkad ang panlipunan at historikal na tugon sa sistematikong paghihirap, pangungurakot at pagmimintina ng naghaharing uri. Alam nating hindi kaya ng introspeksyon at indibidualismo bilang tugon sa pang-uring tunggalian ng estado at mamamayan.

Ang ikalawang napanood ko ay hindi mas hayag ang politikal na proyekto. Ito ang concert reunion ng korong grupong Patatag. Ang okasyon ay para makalikom ng karagdagang pondo para sa pagpapagamot ng dating kasamahang may kanser. Dalawampu’t apat na taon matapos silang unang itatag, matapos ng mahaba-haba ring panahong hindi sila aktibo, naganap ang konsierto sa Bistro 70s.

Na hindi rin naman tulad ng mega-hype sa reunion concert ng Eraserheads, walang malawakang hype at transgenerational na fans na dumalo sa okasyon ng Patatag. Mga loyalist fans ito, kasama ng iba pang aktibo sa kilusan na napukaw ang kanilang musical fare ng cassette tapes at awit na pinopopularisa ng Patatag. Maliban sa ilang factual na intro sa mga awit—kung sino ang nag-compose, nagsalin, kailan inawit at sumikat ang awit—marami sa spiels ay hiwalay na sa nakaraan, at nakatuon na sa kasalukuyang estado ng mga miyembro.

Parating banggit ng mga nagpapakilala “marami na kaming tinahak na iba’t ibang landas” bilang paukol sa kanilang naging buhay matapos ang Patatag. Halos mahulog lang ako sa aking upuan nang ipakilala ang kantang “Santa Filomena” na ukol sa hamletting, mula sa punto-de-bista ng ibong langaylangayan, sinabi ng tagapagpakilala na parang tema ito ng buhay nila dahil marami na rin daw nangibang-bayan at nagkahiwalay ng landas sa grupo. Samakatuwid, ang mga awit ay nakabatay na sa personal na ugnay, hindi na sa politikal na larangan.

Tatlong CD ang kabahagi ng bayad sa tiket. Ito ang mga digital remastered na audio ng cassette tapes ng Patatag. Mapapansin ang purposiveness ng unang dalawa—awiting pesante at agraryo ang una, ang ikalawa ay ukol sa base militar ng US sa bansa. Ang pangatlo ay spiritual, at ito ang pinakaspektakular ang vocal harmony ng grupo. Ang Patatag ay kilala sa kanilang pag-render ng mga progresibong awit sa areglong masusundan ng mga kasapi ng kilusan. Ang ikatlong CD ay nagtri-triple somersault in the air, at matapos ng release nito, naging inaktibo na ang grupo.

Nostalgic ang mga tao sa muling pagtitipon at konsierto ng grupo, na antithetical sa dating diwa ng Patatag—ang libreng pagtatanghal sa lansangan, piket at mass actions. Maging ang ilang hindi naman lumaki sa panahon ng Patatag, sa musika lamang sa disembodiment ng grupo, ay nakatunghay sa kanya sa isang pantapat na benyu. At maging ang hindi na aktibista ay naki-sing-along pa rin sa pagbabalik-tanaw sa tila isang golden age.

Pero walang golden age na nangyari. Walang aaming maganda ang musika habang minamasaker ang mamamayan ng diktdura at ng rehimen ni Cory Aquino. Ang idealisasyon ng nakaraan ang tanging nangyari sa Patatag at sa Powell Street. Ang musika ng Patatag ay nagpapatuloy, dahil hindi na ito sa Patatag lamang. Ito ay inako na ng kilusan, at maging ang “underground” RJ station. Ang una ay nagpapatuloy ng kanyang politikal na proyekto, ang ikalawa ay ang nostalgia trip nito sa naging kabahagi ng henerasyon ng Patatag.

At ito ang aking blast from the past na umantig hindi pa sa aking politika, kundi sa politika ng pagtatanghal ng politika. Ang pananatili ng sistematikong kondisyon ng estado ay nangangahulugan ng pananatili at reimbensyon ng politikal, hindi lamang simpleng pagtatanghal nito, o lalo nang pagbabatikos nito ng walang rekurso sa labas ng indibidualistikong introspeksyon. Ang sining ay nananatiling para sa pagpapakilos ng mamamayan para sa kolektibong kabutihan.(Bulatlat.com)

Share This Post