‘Solusyon’ ng Pamahalaan sa Pagtaas ng Presyo ng Langis

May mga ginagawa naman ang pamahalaan para bigyang-solusyon ang sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng langis. Ang tanong lang siyempre ay kung sapat ba ang mga ito para makatulong sa mga tao.

NI DANILO ARAÑA ARAO
Konteksto / Pinoy Weekly
Inilathala ng Bulatlat
Vol. VIII, No. 15, May 18-24, 2008

May mga ginagawa naman ang pamahalaan para bigyang-solusyon ang sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng langis. Ang tanong lang siyempre ay kung sapat ba ang mga ito para makatulong sa mga tao.

Una, mayroon pa ring discount na ibinibigay ang ilang istasyon para sa PUVs (public utility vehicles) na bumibili ng diesel. Pangalawa, may pansamantalang pagbabawas o pagtatanggal ng taripa sa inaangkat na krudo at produktong petrolyo na isinagawa kahit noon pang administrasyon ni Estrada para subuking pababain ang halaga ng mga nasabing imported na produkto. Pangatlo, may malawakang panawagan ang pamahalaan para magtipid ang mga tao sa kanilang kinokonsumong produktong petrolyo.

Kung susuriin ang datos mula sa DOE (Department of Energy), karamihan sa mga istasyong nagbibigay ng P1.00 discount sa diesel para sa PUVs ay nasa Metro Manila at iba pang urban areas. Noong Pebrero 2008, ang mga istasyong nagbibigay ng discount sa PUVs ay 1,074, na kung saan 382 (36 porsiyento) ay matatagpuan sa Metro Manila; 528 (49 porsiyento) sa iba pang bahagi ng Luzon; 64 (6 porsiyento) sa Visayas; at 100 (9 porsiyento) sa Mindanao.

Lumalabas na 85 porsiyento ng mga istasyong ito ay nasa Metro Manila at iba pang bahagi ng Luzon. At kailangan nating tandaang sa ilalim ng deregulasyon sa downstream oil industry, walang makakapigil sa mga kompanya ng langis kung sakaling bawiin nila ang discount na ito. Kakaunti na nga ang mga istasyon sa Visayas at Mindanao, hindi pa sigurado kung hanggang kailan ang discount na sinasabi ng mga drayber na lubha pang napakaliit.

Sa ilalim ng RA (Republic Act) No. 8479 na batayan sa deregulasyon sa downstream oil industry, ang taripa sa inaangkat na krudo at produktong petrolyo ay nasa tatlong porsiyento. Tinatawag itong ad valorem tax dahil ang pagsingil ay batay sa halaga ng bahagdan ng volume ng mga inangkat. Sa administrasyon nina Estrada at Arroyo, pansamantalang tinanggal o binawasan ang buwis na ito para makatulong sa pagpapababa ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Nakapagtatakang napag-iisipang suspendihin o bawasan ang ad valorem tax samantalang ang 12 porsiyentong VAT (value-added tax) sa mga produktong petrolyo ay ayaw tanggalin ng mga nasa kapangyarihan sa kabila ng malawakang panawagan para dito. Ang suspensiyon ng ad valorem tax ay dapat na magresulta sa ilang sentimong pagbaba sa presyo ng mga produktong petrolyo, samantalang ang pagtatanggal ng 12 porsiyentong VAT ay dapat na mas may substansiyal na epekto sa presyo.

Pero kailangan nating ulitin sa puntong ito ang pangunahing resulta ng deregulasyon: may kalayaan na po ang mga kompanya ng langis na magtakda ng presyo ng mga produktong petrolyo. Hindi tuloy nakakagulat na hindi naging awtomatiko ang mga rollback sa mga panahong ibinaba ng pamahalaan ang ad valorem tax sa mga inangkat na krudo at produktong petrolyo.

Kaya sa gitna ng sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng langis, ang isang masasabing praktikal na panawagan ng pamahalaan para sa lahat ay magtipid. Dahil ang presyo ng krudo ay umaabot na sa $126 bawat bariles – mahigit doble sa presyo nito kumpara noong isang taon lamang – kailangan daw nating lahat na maghigpit ng sinturon dahil wala raw tayong magagawa sa nangyayari sa pandaigdigang pamilihan.

Ang problema lang sa sektor ng transportasyon, hindi maaaaring tipirin ng mga drayber ang mga ginagamit nilang diesel at iba pang produktong petrolyo sa pang-araw-araw nilang pamamasada. Mataas man o mababa ang presyo ng mga ito, may discount man o wala, kailangan nilang dumaan sa mga istasyon ng mga kompanya ng langis para magpakarga.

Ang anumang pagtitipid sa pagkonsumo ng diesel ay mangangahulugan ng hindi nila pamamasada, isang bagay na hindi katanggap-tanggap lalo na sa mga may mahal sa buhay na umaasa sa kanilang kita, kahit na sabihing kakarampot lang ito.

Sa huling pagsusuri, ang tanging mabilisang solusyon sa sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo ay ang pagkontrol sa presyo ng mga ito sa lokal na pamilihan. Nangyari na ito noong dekada 70 nang ang biglaang pagtaas sa presyo ng krudo dahil sa manipulasyon ng OPEC (Organization of Petroleum Exporting Countries) ay nagpuwersa sa administrasyong Marcos na magkaroon ng regulasyon sa downstream oil industry, partikular ang pagbubuo ng Petron na dati’y pag-aari ng pamahalaan at ng OPSF (Oil Price Stabilization Fund) na nagsilbing mekanismo para kontrolin ang presyo ng mga produktong petrolyo.

Tanggap natin ang maraming kahinaan noong panahon ng regulasyon sa downstream oil industry sa ilalim ng administrasyon nina Marcos, Aquino at Ramos, at kailangan nating tandaang ang anumang panawagan sa pagbabasura ng deregulasyon (i.e., RA 8479) ay hindi nangangahulugan ng pagbabalik sa pamamalakad noong panahon ni Marcos.

Ang problema lang sa pamahalaang ito ay hindi tinitingnang balakid ang deregulasyon sa krisis sa langis. Mula nang unang ipatupad ang deregulasyon noong 1996 sa ilalim ng RA 8180 (na ibinasura ng Korte Suprema noong 1997), sinabi ng mga nasa kapangyarihan na dapat daw bigyan ito ng tsansa dahil magbubunga raw ito ng mababang presyo ng mga produktong petrolyo at mabuting serbisyo mula sa mga kompanya ng langis.

Labindalawang taon na ang nakaraan at ito pa rin ang panawagan ng mga opisyal ng pamahalaan. Ang problema diumano mula 1996 hanggang ngayon ay hindi sa patakarang deregulasyon kundi sa nangyayari sa pandaigdigang pamilihan na kung saan wala tayong magagawa.

May dalawang tanong sa puntong ito: Ang argumentong ito’y hanggang kailan ba natin bibilhin? Kailan ba natin sisimulan ang paniningil? Pinoy Weekly /(Bulatlat.com)

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

Share This Post