Marami Akong Inibig*

NI REUEL MOLINA AGUILA
Inilathala ng Bulatlat
Vol. VII, No. 28, August 19-25, 2007

Marami akong inibig
Dahil marami akong puso.

May puso ang magaspang kong palad
Ang mga daliri kong kinakalyo
Ang aking balikat, bisig at braso
Kayat inibig ko silang nag-apuhap
Ng ikabubuhay sa paggawa.
Silang arawan kung bayaran
Ng trabahong katumbas ay buwan.
Silang namuhunan ng pawis, ng lakas
Ng dunong upang mabuhay ngayon
Bahala na ang bukas.
Silang inatang, pinasan, binuhat
Ang di kayang dalhin ng lipunan
Inibig ko silang lahat.

May puso ang aking talampakan
Hita, binti, alak-alakan;
Matigas na kalamnang
Nag-iwan ng di mabuburang tapak
Ng kahirapang nagnanaknak.
Kayat inibig ko ang mga lagalag.
Silang mga itinaboy ng pangangailangan
Mawalay man sa mga minamahal
Mabuhay man lang o makamit
Ang abang adhika at inaasam:
Sakada at OFW
Migrante, batang kalye
Byahero, iskwater
Mensahero, drayber.
Manlalakbay din ang puso ko.

May puso ang aking ilong, mata,
Bibig, balat at tenga;
Mga puso ng aking pandama
Upang matunton ang ganda
Sa bawat kabayan, kaibigan, kasama.
May puso ang aking utak,
Ang aking bituka;
Mga pusong nagtatatak
Sa nararapat, sapagkat
Dama ang kalam ng lipunan.

Ay marami akong inibig
Inibig ko silang lahat
Pagkat marami akong puso.

Sabihin pa, bawat bahagi ko
Ay may puso.
Pati puso ko ay may puso
Ngunit ‘ya’y para sa iyo lamang.

Inilathala ng Bulatlat

*Ang tulang ito ay kabilang sa antolohiyang Magdaragat ng Pag-ibig at Iba Pang Tula ng Pagnanasa, na ipinalimbag ng may-akda noong 2005. Si Aguila ay propesor sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) sa Diliman, Lungsod Quezon at isang premyadong manunulat. Dati siyang pangulo ng Galian sa Arte at Tula (GAT), isang progresibong grupo ng mga makata na namayagpag noong mga dekada 1970 at 1980.

Share This Post