Tatlong Retorika ng Pagkamakata

NI AXEL PINPIN*

Inilathala ng Bulatlat

I. Pagkat May Dalang Halihaw ang Tula

Hindi humihingi ng paumanhin ang panulaan

Hindi nagpapasintabi, manapa’y nag-aalay

di lamang ng kulay

lumilikha ito ng buhay

na karanasan ng masa sa entabladong lupa

pagkat may dalang halihaw ang tula

di lamang kiliti

salaysay nito ang dalamhati

ng mga ginang at ginoong di nakakabigkas ng tula

kaya’t hindi mahika ang hated ng makata

di lamang pagkamangha

usal nito ang pagkaunawa

ng mga ale at mamasa hamonsa pagba-banyuhay

dahil kung kagigiliwan lamang ang tula’y anong saysay?

dili’t palamuti

diwata sa guni-guni

ng matatakuting paslit na busog sa paksiw ng ayungin

o ng obrerong mas pabigat sa tiyan ang nilupak na saging

di tulad ng espasol

hatid nito’y hangin

Sa sikmura; kundiman pagtakap ng bibig sa kawalang-lasa.

Pagka’t may hatid na halihaw ang tula

di lamang sa diwa

bagkus ay sa praktika

II. Kapag Tumula ang Masa

Kapag tumula ang masa

agapan mo ang kanilang talinhaga.

Di bale na muna ang sukat

ngunit ‘wag lilibsan ang tugmang maliligat.

Kagiliwan mo ang romansa,

laruin ang dulas ng awit at prosa

halukayin ang lalim;

may kahulugan pati ang kanilang tighim,

Dahil kapag tumula ang masa

bumabalong ang mga talata.

Kaya’t aagapan mo ang kanilang kabalintunaan,

rurok at imortalidad ng mga karanasan;

pagsasatao ng mga walang kaluluwa,

pagbibinyag, debate, pati litanya.

Punan mo ang mga pagitan ng mga linya

at ‘wag kang pagagapi sa aliterasyon ng dila.

Kapag tumula na ang masa,

damhin ang gaspang ng kanilang hininga,

dahil kapag tumula ang masa,

di sila naka-Barong Tagalog

at walang lawrel sa tuktok.

Kaya’t higit na mahalaga ang retina,

pang-amoy, pandama, duda,

dahil kapag tumula ang masa,

marani’y hindi sila nagsasalita.

III. Ang Mapahiya at Magyabang

Sino ba ang hindi mahihiya

kung pagtaasan ka ng kilay at pagkibitan ng balikat

ng kapwa mo makata?

Dahil ang tula mo ay kapos sa saliw

aliw

aliw-iw

at di nagmamaliw

na pagkabaliw sa teknika

Sino ba ang di magyayabang

kung pagtaasan ka ng kamao at matapik sa balikat

ng pinaglingkuran mong magsasaka?

Dahil ang tula mo ay apaw sa awit

galit

at dalit

ng naghihimagsik

na katuturan ng praktika

Inilathala ng (Bulatlat.com)

*Si Axel Pinpin ay kabilang sa tinaguriang “Tagaytay 5” – kasama nina Riel Custodio, Aristedes Sarmiento, Enrico Ybañez, at Michael Masayes – na dinukot ng mga pulis at military noong Abril 28, 2006 sa Tagaytay City, pinaratangang mga “rebeldeng komunista” at ngayo’y halos isang taon nang nakakulong sa Camp Vicente Lim ng Philippine National Police (PNP). Naging fellow siya para sa tula ng UP National Writers Workshop noong 1999.

Share This Post