Ang Buhay na Dakila

Handog para kay Fr. William Tadena at sa lahat ng mga nagalay ng buhay sa paglilingkod sa sambayanan ng Diyos

Ni Rev. Erahvilla M. Maga-Cabillas

Summary execution…
Ambush… Salvaging …
Tawagin man sa iba’t-ibang salita
Pareho lang ang pagkahulugan: PAGKITIL NG BUHAY!

Buhay na kaloob, biyaya mula sa Maylikha
Buhay na inialay, pagsabuhay sa misyong dakila
Ni Kristo Hesus dito sa lupa.
Buhay na naging inspirasyon at halimbawa
Pagkalinga sa mga dukha, pagtatanggol sa mga naapi
Paglilingkod sa kapwa, kasama ng masang nakikibaka

Ngunit mga kampon ng mga demonyo ay naglipana
Saang sulok ng lipunang mapagsamantala
Pumapatay, kumikitil ng maraming buhay
Nakatago sa likod ng nagagandahang maskara
Maamong mukha, mapagkatiwalaan, kapani-paniwala
Mapagkunwaring mga Kristiyano puso raw ay puno ng awa.

Mga proyekto at gawain ng simbahan, komunyon at upuan
Kadalasan ay palaging nasa unahan
Ngiti rito, kaway roon, kamay sa mga tao kahit saan man pumaroon
Pangako ay kasaganaan, pagtulong sa maralita ay palaging nakabandila
Matatamis na mga salita kapani-panilawala
Hindi mapintasang pagmamahal daw sa kapwa

Mapagbantay mga kaibigan, kapanalig at mga kasama
Huwag magpalinlang sa kanilang nagkislapang maskara
Bagkus dapat maging bukas at mapanglikha
Sa pagbatid ng uring pinagmulan upang lubos na makilala
Sino nga ba talaga at saan nakahilira
Mga Kristiyanong tapat daw sa kanilang pananampalataya

Sinabi ni Jesus, na ang sinumang handa sa pagsunod sa yapak niyang dakila
Pasanin ang krus, humarap sa mga pagsubok, buhay man ay ialay,
Pagkain sa mga nagugutom, kalinga sa mga nangailangan
Katarungan sa mga inaapi, paglilingkod sa bayan
Ito ang dalawang dakilang utos: MAHALIN MO ANG DIYOS AT ANG IYONG KAPWA!

(Binasa sa vigil ni Fr. Tadena, IFI Tarlac City – March 28, 2005)

(Bulatlat.com)

Share This Post