Mapait ang Kape sa Nestle

(Kay Diosdado “Ka Fort” Fortuna)

Ni Raul Funilas

May papait pa ba sa kapeng ginawa
Ng Manggagawa sa Nestle? Simula
Nang pinagpapatay nitong dambuhalang
Namuhunang ulol ang mga kawawang

Pinuno ng welga, wala ng aromang
Malalanghap dito. Nagluluksang masa
Ay humihiyaw ang kirot at kaba
Sa tuwinang sila’y may punong tutumba.

Diosdado Fortuna, lider manggagawa,
Ang kapeng ininom ng laksang nagluksa’y
Mapait higupin ng pangungulila;
Dahil sa bumalong ay patak ng luha.

Halina kasama at ating gilingin
Ang butil ng kapeng nangagtanim
Ay ang Manggagawang ulani’t arawin
Sa tigang na lupa at tinikang hardin.

Dugo ang kanawin sa banlik at tubig,
Iwisik, isaboy ang luhang kaypait
Sa kapitalistang gahaman at ganid;
At kung nararapat tingga ang ihasik.

Setyembre 26, 2005
Sa burol ni Ka Fort
Church of the Risen Lord
UP Campus, Diliman, QC

(Bulatlat.com)

Share This Post